Handa na ang Baguio City Police Office para sa araw ng mga patay.
Ayon kay Baguio City Police Director, Chief Supt. Ramil Saculles, asahan na ang pagdagsa ng libu-libong biyahero lalo’t karaniwan ng binibista ang lungsod tuwing Undas.
Dahil dito, naglabas na ang BCPO ng traffic advisory para sa mga motorista at mananakay na bibisita sa kanilang mga yumaong kaanak sa Baguio City Public Cemetery.
Magpapatupad anya ng one-way system sa Quirino Highway kanto ng Buhagan Road mula sa Central business district simula alas 4:00 ng madaling araw hanggang alas 12:00 ng hatinggabi sa Nobyembre a-01.
Magkakaroon naman ng re-routing ng mga truck at bus mula La Union na daraan sa Sta. Lucia hanggang Marcos Hi-Way at circumferential road patungong Central Business District, bukod pa sa Lamtang-Longlong road para naman sa mga pupuntang La Trinidad.