Inaasahang aarangkada na ang rehabilitasyon sa Baguio City ngayong unang buwan ng 2020.
Ayon kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, nakatakdang umakyat ng lungsod sina Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, Environment Secretary Roy Cimatu at Interior And Local Government Secretary Eduardo Año sa ika-10 ng Enero.
Ito ay upang pagpulungan at ilatag ang mga plano sa isasagawang rehabilitasyon sa Baguio City.
Sinabi ni Magalong, isa sa mga dapat na unahin ay ang pagsasaayos ng kanilang sewerage system at rehabilitasyon ng Burnham Park na siyang pinakakilalang pasyalan sa lungsod.
No’ng i-brief ko nga si Secretary Berna Puyat, ‘yung plano namin sa Burnham Park, talagang nagcommit sya kaagad ng pera at ito nga naaprubahan na kaagad ‘yung P400-million para sa rehabilitation,” ani Magalong.
Dagdag ni Magalong, kanila na ring isasakatuparan ngayong taon ang inilatag na master plan para sa low carbon urban transport system.
Masterplan din sa low carbon urban transport system –na magtatayo kami ng mga integrated transport terminal, ng mga parking buildings, ‘yung aming smart city platform system na itatayo na rin naming ngayong taon na ito na worth P200-million,” ani Magalong. —sa panayam ng Balitang Todong Lakas