Target na rin ng Department of Environment and Natural Resources na isailalim sa rehabilitasyon ang Baguio City.
Inatasan na ni Environment Secretary Roy Cimatu ang team ng DENR na magsagawa ng isang buwang pag-aaral sa pine forests ng lungsod bunsod unti-unting pagkaubos ng mga puno ng pino sa summer capital.
Ayon kay Cimatu, hindi matatawag na “city of pines” ang Baguio kung mauubos ang mga pine tree na sumisimbolo sa lungsod.
Pag-aaralan din anya ng kagawaran kung isang “natural cause” ang pagbaba ng bilang ng mga pine tree.
Nilinaw naman ng kalihim na malabo pa sa ngayong isara sa mga turista ang Baguio gaya ng ginagawa sa isla ng Boracay noong isang taon.
Baguio city, over-populated na batay sa pag-aaral ng NEDA
Matindi na ang problema sa over-population ng Baguio City, batay sa pag-aaral ng National Economic and Development Authority sa urban carrying-capacity ng lungsod.
Ayon sa NEDA, hindi na sapat ang water supply, mga kalsada, urban facility at public service para sa mahigit 340,000 residente ng Baguio.
Lalo pang sumisikip sa summer capital tuwing holiday season tulad ng pasko, mahal na araw at panagbenga festival dahil sa pagdagsa ng daan-daang libong turista.
Gayunman, nilinaw ng NEDA na hindi pa naman nalalampasan ng city of pines ang carrying capacity nito na 700,000.
Magugunitang ipinag-utos na ni Environment Secretary Roy Cimatu ang isang buwang pag-aaral sa pine forest ng Baguio para sa planong rehabilitasyon ng lungsod.