Tiniyak ng Baguio City Government na hindi sasapitin ng lungsod ang sitwasyon ng isla ng Boracay, sa Aklan.
Ito, ang nilinaw ni Baguio City Councilor Elmer Datuin, sa kabila ng mga ugong na posible ring ipasara ang tinaguriang summer capital gaya ng Boracay dahil sa matinding urbanisasyon.
Nag-ugat ito sa column ni Mary Ann Li Reyes ng Philippine Star na nagsabing “over-populated” na ang Baguio dahilan upang lumala umano ang polusyon, traffic at magsikip ang lungsod.
Ayon kay Datuin, ginagawa nila ang lahat ng paraan upang panatilihing maayos, malinis at buhay ang City of Pines at sa katunayan ay isang development plan ang inilatag upang matutukan ang lumalaking populasyon maging ang turismo.
Iginiit ng opisyal na magka-iba ang sitwasyon ng Boracay at Baguio kaya’t imposible ang sinasabi sa column ni Reyes na posibleng mamatay ang lungsod sa mga susunod na panahon.