Naghigpit ng guidelines ang pamahalaang lokal ng Baguio City sa kanilang mga border.
Kasunod ito ng pagtaas sa mga naitatalang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa mga katabi nitong bayan.
Ayon kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, simula sa Sabado, kanilang hihigpitan ang ipinatutupad na panuntunan sa mga residenteng magmumula sa mga bayan ng Tuba, La Trinidad, Sablan at Tublay.
Sinabi ni Magalong, kinakailangan nilang maghigpit upang maiwasan ang palitan ng impeksyon o hawaan.
Umaasa naman ang alkalde na mapalalakas ng mga naturang bayan ang kanilang contact tracing at testing capacity, dahilan kaya tumataas aniya ang positivity rate doon.
Magugunitang sinimulan ng Baguio City ang tinatawag na tourism bubble kung saan unang tumanggap ang lungsod ng mga turista mula Region 1 at mga karatig bayan at pinalawak sa buong Luzon simula Oktubre.