Sa kasalukuyan, ang bagyong Butchoy ay nasa layong 1,165 kilometers sa Silangan ng Virac, Catanduanes.
Ito ay may taglay na lakas na umaabot sa 95 kilometers per hour malapit sa gitna at may pagbugso na umaabot sa 120 kilometers per hour.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Weather Forecaster Meno Mendoza na ang bagyo ay inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility o PAR mamayang hapon.
Patuloy namang makakaranas ng mahina hanggang sa katamtamang mga pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang CALABARZON, MIMAROPA, Kanlurang Kabisayaan at ang mga lalawigan ng Cagayan, Zambales at Bataan.
Bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog ang iiral sa Kamaynilaan at sa nalalabing bahagi ng Pilipinas.
Wala pa ring nakataas na gale warning kaya’t ligtas pa ring makakapalaot ang ating mga mangingisda sa anumang baybaying dagat ng ating bansa.
DSWD
Handa ang Department of Social Welfare and Development o DSWD sa posibleng pananalasa ng kalamidad.
Ito’y kasunod ng binabantayang Low Pressure Area o LPA ng PAGASA na pinangangambahang mabuo bilang bagyong Butchoy.
Ayon sa DSWD, naka-posisyon na ang mahigit 356,000 food packs sa iba’t ibang lokal na pamahalaan sa buong bansa.
Nakahanda na rin ayon sa DSWD ang P58.5 milyong pisong pondo para sa pagbili ng mga gamit na kakailanganin sa panahon ng emergency.
May nakalaan ding quick response fund ang DSWD na nagkakahalaga ng mahigit P434 na milyong piso para magamit naman sa mga lugar na matinding tatamaan ng sakuna.
By Jelbert Perdez | Jaymark Dagala | Jill Resontoc (Patrol 7)
Photo Credit: panahontv