Inaasahan na papasok ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Lando ngayong Miyerkules ng gabi o umaga ng Huwebes.
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan ang bagyo sa layong 1,870 km silangan ng Luzon.
May lakas ito na 45 kph, habang gumagalaw pa-kanluran hilagang kanluran na may bilis na 25 kph.
Dalawang senaryo ang binabantayan ng PAGASA, una ay ang posibilidad na mag-landfall ang bagyo sa pinakadulong bahagi ng hilagang Luzon, kabilang ang Calayan, Babuyan, at Batanes Group of Islands.
Ikalawa, ang posibilidad na hindi mag-landfall ang bagyo pero magkakaroon pa rin ng signal #1 sa dulong bahagi ng hilagang Luzon.
Sa kasalukuyan, mananatiling maulap na may mahina hanggang katamtamang mga pag-ulan sa Batanes, Calayan, Babuyan Group of Islands, Apayao, Ilocos Norte, Cagayan, Isabela, Aurora, Quezon Provice, dahil sa tail-end ng cold front.
Habang sa Metro Manila, bagama’t makulimlim ang umaga, inaasahan na magiging maaliwalas ang kalangitan sa mga susunod na mga oras at panandalian lamang ang ulan.
By Mariboy Ysibido