Patuloy na binabantayan ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA ang bagyo sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na may international name na typhoon ‘Wutip’.
Ayon sa PAGASA, inaasahang papasok ang bagyo sa bansa sa Miyerkoles, Pebrero 27 o sa Huwebes.
Huling namataan ang bagyo sa layong isang libo siyamnaraan at apatnapung (1940) kilometro sa silangan ng katimugang Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa isandaan walumpu’t limang (185) kilometro kada oras at pagbugso ng hanging aabot sa dalawang daan at dalawampu’t limang (225) kilometro kada oras.
Oras na makapasok ang bagyo sa PAR ay papangalanan itong ‘Betty’.
Inabisuhan naman ang publiko na manatiling alerto at mag-antabay sa mga susunod na advisory ukol sa nasabing sama ng panahon.
Samantala, patuloy na nakakaapekto sa malaking bahagi ng bansa ang northeast monsoon o hanging amihan.
—-