(11 AM Update)
Inaasahang lalabas na ng Philippine Area of Responsibility o PAR ang bagyong Agaton mamayang hapon.
Ayon sa PAGASA, mas lumakas pa ang bagyo at isa nang tropical storm habang papalayo sa bansa na huling namataan sa layong 390 kilometro kanluran hilagang kanluran ng Puerto Princesa City Palawan.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 80 kilometers per hour habang kumikilos ito sa direksyong pa-kanluran sa bilis na 25 kilometers per hour.
Samantala, wala na ring nakataas na tropical cyclone warning signal saan mang bahagi ng bansa.
Gayunman, nagbabala pa rin ang PAGASA sa inaasahang katamtaman hanggang sa malakas na pag-uulan na mararanasan sa Kabisayaan, Bicol Region, Palawan at lalawigan ng Quezon na posibleng magdulot ng mga pagbaha at pagguho ng lupa.
Nanatili namang nakataas ang gail warning sa mga baybayin sa hilaga, katimugan at gitnang bahagi ng Luzon maging sa silangan at kanlurang Visayas at hilagang Mindanao dulot ng hanging Amihan.
Relief operations
Kaugnay nito, nakaalerto na ang militar at pulisya para umalalay sa mga apektadong residente ng bagyong Agaton sa bahagi ng Visayas at Mindanao gayundin sa Palawan.
Ayon kay PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, inatasan na niya ang lahat ng kaniyang mga regional directors na apektado ng bagyo na paganahin ang kanilang disaster contingency plans.
Una rito, nagsumite na ang PNP Regional Office 4-B ng 23 na mga paaralan sa Palawan na siyang magsisilbing evacuation centers ng mga apektadong residente.
Sa panig naman ng militar, sinabi ni AFP Spokesman Col. Edgard Arevalo na inatasan na rin ang mga sundalo mula sa mga lugar na apektado ng bagyo na alalayan ang mga lokal na pamahalaan sa pamamahagi ng mga tulong sa mga nagsilikas na residente.
Flashfloods
Napilitan namang lumikas ang libu-libong residente ng Capiz at Aklan dahil sa pagbahang dala ng bagyong Agaton.
Ayon sa ulat, mahigit 300 pamilya o mahigit 900 indibiduwal ang nananatili ngayon sa evacuation center sa naturang mga lalawigan.
Lumalabas na karamihan sa mga binahang lugar ay malapit sa kahabaan ng Aklan River.
By Jaymark Dagala / Ralph Obina