Bahagyang humina ang bagyong Ambo ang lakas nito habang patuloy itong kumikilos sa karagatang bahagi ng Ilocos Province.
Sa pinakahuling bulletin ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng Tropical Storm Ambo sa layong 40 kilometro hilagang kanluran ng Sinait, Ilocos Sur.
Taglay nito ang pinakamalakas na hanging umaabot sa 65 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 100 kilometro kada oras.
Kumikilos ito sa direksyong hilaga-hilagang kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.
Samantala, nakataas pa rin ang tropical cyclone wind signal number 2 sa Babuyan Islands, Ilocos Norte, Ilocos Sur, at Abra.
Signal number 1 naman sa Batanes, Cagayan, Western portion ng Isabela, Western portion ng Nueva Vizcaya, Apayao, Kalinga, Benguet, Mountain Province, Ifugao, La Union at Pangasinan.
Ayon sa PAGASA, asahan pa rin ang katamtaman hanggang sa malakas na buhos ng ulan sa Cagayan Valley at mahina hanggang katamtamang lakas ng ulan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region at hilagang bahagi ng Aurora at Zambales.
Mapanganib naman ang maglayag sa mga karagatang sakop ng mga lugar na nasa ilalim ng signal number 2 at 1.