Napanatili ng bagyong Ambo ang lakas nito habang binabagtas ang karagatang bahagi ng Santa Cruz, Ilocos Sur.
Sa pinakahuling bulletin ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng Tropical Storm Ambo sa bisinidad ng karagatan ng Santa Cruz.
Taglay pa rin nito ang pinakamalakas na hanging umaabot sa 75 kilometro kada oras at pagbugsong umaabot sa 125 kilometro kada oras.
Kumikilos ito sa direksyong hilaga-hilagang kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Dahil dito nakataas pa rin ang tropical cyclone wind signal number 2 sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Silangang bahagi ng Pangasinan, Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Babuyan Islands, Northwestern portion ng Cagayan, Nueva Vizcaya at hilagang bahagi ng Nueva Ecija.
Signal number 1 naman sa Batanes, nalalabing bahagi ng Cagayan at Nueva Ecija, Isabela, Tarlac, northern portion ng Zambales at nalalabing bahagi ng Pangasinan.
Ayon sa PAGASA, asahan pa rin ang katamtaman hanggang sa malakas na buhos ng ulan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley at hilagang bahagi ng Aurora at Zambales.
Mapanganib naman ang maglayag sa mga karagatang sakop ng mga lugar na nasa ilalim ng signal number 2 at 1.