Patuloy ang mabagal na pagkilos ng bagyong Auring at halos hindi ito gumagalaw sa bahagi ng Philippine sea sa Mindanao.
Batay sa pinakahuling weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyong Auring sa layong 595 kilometers silangan-timog-silangan ng Hinatuan, Surigao Del Sur.
Taglay pa rin nito ang pinakamalakas ng hanging umaabot sa 75 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbusong umaabot sa 90 kilometers per hour.
Ayon sa PAGASA, posibleng mag-landfall ang bagyong Auring sa Eastern Coast ng Caraga Region sa linggo, ika-21 ng Pebrero.
Habang inaasahang mas lalakas pa ito at magiging severe tropical storm sa susunod na dalawang araw.
Samantala, kasalukuyan nang nakataas ang tropical cyclone wind signal number 1 sa Davao Oriental, eastern portion ng Davao De Oro, southeastern portion ng Agusan Del Sur at southern portion ng Surigao Del Sur.
Inaasahan din ng PAGASA na madaragdagan pa ang mga lalawigan sa Caraga at Davao Region na isasailalim sa tropical cyclone wind signal number 1, habang may mga lugar ding posibleng isailalim na sa signal number 2 sa susunod nilang weather bulletin.