Inaasahang magdadala ng mga pag-ulan ang Tropical Depression ‘Butchoy’ sa ilang bahagi ng Luzon kabilang na ang Metro Manila.
Batay sa 11PM severe weather bulletin ng PAGASA, asahan na ang katamtaman hanggang mabigat —at minsa’y malakas na bugso ng ulan, sa bahagi ng Metro Manila, CALABARZON, Zambales, Bataan, Bulacan, Pampanga, hilagang bahagi ng Palawan, at Occidental Mindoro sa pagitan ng Huwebes ng gabi hanggang Biyernes ng tanghali.
Kasunod nito, ibinaba na ng PAGASA ang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) sa ilang munisipalidad sa Quezon.
Gayunman, nananatili namang nataas ang TCWS No. 1 sa mga sumusunod na lugar:
• Pangasinan
• Zambales
• Bataan
• Tarlac
• Pampanga
• Nueva Ecija
• Bulacan
• katimugang bahagi ng Aurora (Dingalan, San Luis)
• Metro Manila
• Rizal
• Laguna
• Cavite
• hilagang bahagi ng Quezon (General Nakar, Infanta, Real, Panukulan, Burdeos, Polillo, Patnanungan, Jomalig).
Samantala, huli namang namataan ang sentro ng Bagyong ‘Butchoy’ kaninang alas-10 ng gabi sa bahagi ng Baliuag, Bulacan.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometers per hour (kph) at pagbugsong aabot naman sa 75 kph.
Kumikilos ang Bagyong ‘Butchoy’ pa-kanluran, hilagang-kanluran papalapit sa Pampanga-Tarlac area sa bilis na 25 kph.
Una nang tumama sa kalupaan ang Bagyong ‘Butchoy’ sa Polillo, Quezon dakong alas-5:30 nitong Huwebes, at alas-6 ng gabi naman sa Infanta, Quezon.