Mino-monitor ng PAGASA ang tropical depression Domeng na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon kay PAGASA Weather Specialist Benison Estareja, huling namataan si bagyong Domeng sa layong 1000 kilometers Silangang bahagi ng extreme Northern Luzon.
Bahagyang lumakas sa 55 kilometers per hour ang hanging dala ni bagyong Domeng na may pagbugsong aabot sa 70 kilometers per hour.
Sinabi ni Estareja na sa huling anim na oras, bahagyang kumilos ang naturang bagyo patungo sa bahagi ng Timog Luzon pero inaasahan na sa mga susunod na oras ay kikilos naman ito patungong Hilagang bahagi ng Luzon.
Samantala, nasa labas pa rin ng PAR si tropical storm Caloy na may international name na Chaba na may layong 545 kilometers mula sa Central Luzon at patuloy pa ring lumalakas habang patungong Southern China.
Dahil kay tropical depression Domeng at tropical storm Caloy nakakaranas ngayon ang bansa ng Southwest Monsoon o hanging habagat partikular na sa Central at Southern Luzon.
Nagpaalala naman ang pagasa na panatilihing magdala ng payong at iba pang panangga sa posibleng biglaang pagbuhos ng ulan.