Lumakas pa at isa na ngayong tropical storm ang bagyong binabantayan sa silangang bahagi ng Katimugang Luzon.
Ayon sa PAGASA o Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration, ang nasabing sama ng panahon ay nasa loob na rin ng Philippine Area of Responsibility (PAR) at pinangalanang bagyong Dante.
Huling namataan ang tropical storm ‘Dante’ sa layong 1,170 kilometro silangan ng Virac, Catanduanes.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometers per hour na may pagbugsong aabot sa 80 kilometers per hour.
Inaasahang gagalaw ang bagyong Dante pa-hilagang kanluran sa bilis na 11 kilometers per hour.
Sa ngayon ay wala pang nakataas na tropical cyclone warning signal sa mga lugar sa bansa ngunit sinabi ng PAGASA na magdadala ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan ang bagyo sa mga lugar na nakapaloob sa 300 diametro nito.—AR