Bahagyang lumakas ang bagyong Dindo habang patuloy itong kumikilos sa direksyong hilaga-hilagang kanluran sa bahagi ng Philippine Sea.
Ayon sa Pagasa, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 800 kilometro silangan hilagang -silangan ng Tuguegarao City, Cagayan o 715 kilometro silangan ng Basco, Batanes.
Taglay nito ang pinakamalakas na hanging umaabot sa 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 70 kilometro kada oras.
Kumikilos ito sa bilis na 10 kilometro kada oras sa direksyong hilaga-hilagang kanluran.
Sa pagtaya ng Pagasa, posibleng lumakas pa ang bagyong Dindo sa mga susunod na araw at magiging tropical storm category bago lumabas ng Philippine area of responsibility (PAR) sa Lunes ng umaga o hapon, Agusto 3.
Sa kasalukuyan walang direktang epekto sa bansa ang bagyong Dindo.
Sinabi ng Pagasa, ang nararanasang pag-uulan sa malaking bahagi ng Luzon, Western Visayas, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, at Bangsamoro, ay bunsod ng southwest monsoon o habagat.