Inaasahang lalakas pa at magiging ganap na tropical storm ang bagyong Domeng sa loob ng 24 oras habang patuloy itong kumikilos sa direksyong hilaga-hilagang kanluran sa bahagi ng Philippine Sea.
Sa pinakahuling bulletin ng PAGASA, huling namatan ang bagyong Domeng sa layong 725 kilometro silangan ng Virac, Catanduanes.
Taglay nito ang lakas ng hangging aabot sa 45 kilometro kada oras mula sa gitna at pagbugsong aabot sa 60 kilometro kada oras.
Napanatili naman ng bagyong Domeng ang bilis nito sa 15 kilometro kada oras.
Bagama’t maliit pa rin ang tiyansang tumama ito sa lupa, inaasahan namang palalakasin pa nito ang hangging habagat na magreresulta naman sa katamtaman hanggang sa malakas na ulan sa bahagi ng Mimaropa at Western Visayas simula sa Biyernes.
Gayundin sa kanlurang bahagi ng Luzon kabilang sa Metro Manila sa weekend.
Samantala, patuloy namang makararanas ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-uulan sa katimugang Luzon, sa Visayas at Mindanao dahil sa pinasamang epekto ng bagyong Domeng at monsoon trough.
—-