Bahagyang lumakas ang bagyong Egay habang patuloy nitong tinutumbok ang direksyong pa-hilaga papalabas ng bansa.
Batay sa pinakahuling tala ng PAGASA, namataan ang bagyong Egay sa layong 260 kilometro hilagang kanluran ng Laoag City o 280 kilometro kanluran ng Basco, Batanes.
Taglay ng bagyong Egay ang pinakamalakas na hanging aabot sa 85 kilometro bawat oras at may pagbugsong aabot sa 100 kilometro bawat oras.
Mabagal na kumikilos pa-hilaga ang bagyong Egay sa 7 kilometro bawat oras at inaasahang lalabas na ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR) bukas ng gabi.
Dahil dito, nakataas pa rin ang babala ng bagyo bilang isa sa mga lalawigan ng Ilocos Norte, Batanes, mga isla ng Calayan at Babuyan, hilagang kanluran ng Cagayan at lalawigan ng Apayao.
Dagdag pa ng PAGASA, paiigtingin din ng bagyong Egay ang hanging habagat na siyang magpapa-ulan sa kanlurang bahagi ng hilagang Luzon, gayundin sa gitna at katimugang Luzon kabilang na ang Metro Manila.
Kasunod nito, isa pang bagyo na may international name na Chan Hom ang binabantayan ngayon ng PAGASA at inaasahan itong pumasok ngayong araw o bukas at papangalanan itong Falcon.
By Jaymark Dagala