Napanatili ng bagyong Egay ang lakas nito habang tinutumbok ang Hilagang Luzon.
Sa pinakahuling tala ng PAGASA, namataan ito sa layong 145 kilometers southwest ng Laoag sa Ilocos Norte at may maximum sustained winds na aabot sa 85 kph malapit sa gitna at pagbugso na aabot sa 100 kph.
Kumikilos ito pa-hilaga sa bilis na 7kph at inaasahan na lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Huwebes pa ng hapon.
Sa ngayon ay nakataas ang public storm warning signal no. 2 sa mga lalawigan ng Batanes, Cagayan, Calayan at Babuyan Group of Islands, Apayao, Kalinga, Ilocos Norte, Ilocos Sur at Abra.
Nakataas naman ang signal no. 1 sa Pangasinan, Isabela, Benguet, La Union, Mountain Province at Ifugao.
Para naman sa mga nalalabing bahagi ng Luzon, asahan pa rin ang mga pag-ulan sa Bataan, Batangas, Cavite at Zambales.
Maaaring magkaroon ng mga heavy rains na posibleng magdulot ng mga pagbaha sa mga mabababang lugar.
Sa Metro Manila, Laguna, Pampanga, Rizal, Nueva Ecija, Tarlac at Quezon, light to moderate rains ang mararanasan sa loob ng tatlong oras.
Nakataas pa rin ang gale warning sa mga seaboards ng Central Luzon, southern Luzon at sa buong Kabisayaan.
By Mariboy Ysibido