Bahagyang lumakas ang bagyong Enteng habang patuloy na kumikilos sa direksyong pahilaga.
Batay sa pinakahuling weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng binabantayang bagyo sa layong 420 kilometro silangan hilagang silangan ng Casiguran, Aurora.
Taglay nito ang pinakamalakas na hanging umaabot sa 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugso ng hanging umaabot sa 70 kilometro kada oras.
Kumikilos ito sa bilis na 25 kilometro kada oras sa direksyong pahilaga.
Sa pagtaya ng PAGASA, hindi inaasahang tatama sa kalupaan ng bansa ang bagyong Enteng at inaasahang lalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) bukas ng hapon.
Inaasahan ding mas lalakas pa ito at aakyat sa tropical storm category bukas ng umaga.
Gayunman palalakasin ng bagyong Enteng ang hanging habagat na magdudulot ng mahina hanggang katamtamang lakas ng ulan sa Bicol Region habang Habagat din ang magdudulot ng ulan sa Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, Mindoro Provinces, Romblon at Northern Palawan.
Makararanas din ng paminsan-minsang pag-ulan ang Pangasinan, Metro Manila, Western Visayas at nalalabing bahagi ng Central Luzon at Mimaropa.
Samantala, may isa pang sama ng panahon o low pressure area ang binabantayan ng PAGASA sa layong 280 kilometro kanluran ng Subic Zambales.
Ayon sa PAGASA, mataas ang tsansa nitong mabuo bilang ganap na bagyo sa loob ng 24 oras.