Nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Ester kahapon ng umaga at patuloy na kumikilos pa hilagang bahagi ng Luzon, papalayo sa PAR at wala paring direktang epekto sa anomang bahagi ng bansa.
Ayon kay PAGASA weather specialist Daniel James Villamil, patuloy na makakaranas ng makakapal na ulap sa malaking bahagi ng bansa dahil sa patuloy na epekto ng Southwest Monsoon o Hanging Habagat na pinapairal ng Tropical Depression sa labas ng PAR.
Asahan parin ang makulimlim na panahon na may mga kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa kanlurang bahagi ng Luzon dahil parin sa nagpapatuloy na epekto ng hanging habagat.
Pinag-iingat naman ng PAGASA ang publiko dahil mataas parin ang tiyansa ng mga landslide at flashflood sa mga nabanggit na lugar.
Generally fair weather condition naman ang mararanasan sa nalalabing bahagi ng Luzon pero magiging makulimlim ang kalangitan pagsapit ng hapon hanggang sa gabi dala parin ng localized thunderstorms.
Magiging maulap naman ang kalangitan na may kalat-kalat na mga pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa Western at Central Visayas dahil sa inaasahang pag-iral ng hanging habagat.
Makakaranas naman ng mainit at maalinsangang panahon ang nalalabing bahagi ng Visayas at buong Mindanao maliban nalang sa pulu-pulong mga pag-ulan na mayroong pagkulog at pagkidlat dala ng localized thunder storms sa hapon hanggang sa gabi.
Agwat ng temperatura sa Metro Manila ay maglalaro sa 25°C hanggang 31°C habang sisikat naman ang haring araw mamayang 5:39 ng umaga at lulubog naman ito mamayang 6:25 ng hapon.