Nag-landfall na sa Gattaran, Cagayan ang tropical storm Falcon kaninang 12:30 ng madaling araw.
Ayon sa PAGASA, nasa bisinidad na ng Gonzaga, Cagayan ang bagyo.
Taglay nito ang lakas na hanging aabot sa 65-kilometro bawat oras at may pagbugsong aabot sa 80-kilometro kada oras.
Kumikilos ngayon ang bagyo sa direksyong west northwest sa bilis 30-kilometro bawat oras.
Nakataas naman ang tropical cyclone warning signal no. 2 sa Batanes at hilaga-silangang bahagi ng Cagayan kasama na ang Babuyan Group of Islands.
Signal no. 1 naman sa nalalabing bahagi ng Cagayan, Ilocos Norte, Abra, Apayao, Kalinga, Isabela, Mountain Province, Ifugao, hilagang bahagi ng Aurora, hilagang bahagi ng Nueva Vizcaya at hilagang bahagi ng Quirino.
Sa Biyernes inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo ngunit hahatakin pa rin nito ang habagat.
Yellow warning sa Metro Manila at kalapit lalawigan
Nakataas pa rin ang yellow warning sa Metro Manila at kalapit na lalawigan, bunsod ng pag-ulan na hatid ng bagyong Falcon.
Sa PAGASA, heavy rainfall warning no. 2 na inilabas kaninang 6 ng umaga, nanatiling nakataas ang yellow warning sa Metro Manila, Zambales, Bataan, Cavite, Laguna at Batangas.
Dahil dito, nagbabala ang pagasa sa posibilidad ng pagbaha lalo na sa mga flood-prone areas.
Habang, maapektuhan naman ng mahina hanggang katamtamang pag-ulan ang Tarlac, Pampanga, Nueva Ecija, Bulacan, Rizal at Quezon.
Samantala, itinatataas naman ang yellow warning kung malakas ang pag-ulan sa loob ng isang oras at sa susunod pang dalawang oras; orange warning, kung matindi ang pag-ulan sa loob ng isang oras at susunod na dalawang oras at red warning naman kung walang humpay ang pag-ulan sa loob ng isa at sa susunod pang mga oras.