Ganap nang nakapasok sa Philippine Area of Responsibility o PAR ang bagyong may international name na Cha-Hom at tinawag itong Falcon.
Batay sa pinakahuling tala ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), namataan ang bagyong Falcon sa layong 1,390 kilometro silangan ng Appari Cagayan.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 130 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugsong aabot sa 160 kilometro bawat oras.
Kumikilos ang bagyong Falcon sa direksyong pa-kanluran, hilagang kanluran sa bilis na 20 kilometro bawat oras.
Bukas ng gabi, inaasahang nasa layong 965 kilometro silangan ng Itbayat Batanes ang bagyo ngunit nilinaw ng PAGASA na maliit ang tiyansang tumama ito sa kalupaan o mag-land fall.
Babala ng PAGASA, bagama’t wala pang nakataas na storm warning signal sa alinmang bahagi ng bansa, paiigtingin naman ng bagyong Falcon ang habagat na siyang magdudulot ng mga pag-ulan.
Kaya naman, asahan na ayon sa weather bureau ang mga pagbaha sa mga nasa low lying areas bunsod ng malalakas na buhos ng ulan.
By Jaymark Dagala
Source: PAGASA