Napanatili ng bagyong ‘Falcon’ ang lakas nito bagamat nag-iba ng direksyon.
Ayon sa PAGASA, ang sentro ng bagyong Falcon ay natukoy sa silangang bahagi ng Tuguegarao at bukas ay tinatayang nasa 235-kilometro silangan, hilagang silangan ng Aparri, Cagayan.
Ang bagyong Falcon bukas ng hapon o gabi ay pinakamalapit sa kalupaan via Batanes at Babuyan Group of Islands area.
Posibleng lumakas bilang tropical storm ang bagyong Falcon hanggang bukas ng umaga o sa susunod na 24-oras.
Ang public storm signal no. 1 ay nananatili sa Batanes, Cagayan kabilang ang Babuyan Islands at Northern Isabela partikular ang District 1 at 6.
Sa Biyernes, inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Falcon.
Cagayan Valley itinaas sa red alert
Itinaas na sa red alert mula sa blue alert ang status sa Cagayan Valley Region dahil sa bagyong Falcon.
Dahil dito, pinaghahanda ni Director Dante Balao ng Cagayan Valley Region Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRM) ang lahat ng lokal na pamahalan sa rehiyon.
Pinatitiyak sa lahat ng member agencies ng Cagayan RDDRM ang pagpapanatiling may naka-duty na tauhan, pairalin ang alert protocols at i-monitor ang kanilang nasasakupan.
Partikular na pina-momonitor ang posibleng pagbaha at landslides.
Nakasaad din sa kautusan ang pagpapatupad ng pre-emptive at forced evacuation kung kinakailangan.
Ang public storn signal no. 1 ay nakataas sa Northern Isabela, Cagayan at Batanes dahil sa bagyong Falcon.