Nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Falcon at bahagyang lumakas pa ito.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 675 kilometro hilagang silangan ng Itbayat, Batanes.
Nagtataglay ito ng lakas ng hangin na aabot sa 160 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugsong 195 kilometro bawat oras.
Kumikilos ito ng hilagang kanluran sa bilis na 22 kilometro bawat oras.
Samantala, habagat pa rin ang nakakaapekto sa Luzon at western Visayas na magdadala ng malalakas at pabugso-bugsong mga pag-ulan.
By Mariboy Ysibido
Source: PAGASA
Rainfall Warning
Muling itinaas ng PAGASA ang orange rainfall warning sa Bulacan, Zambales, Cavite at Batangas bunsod ng habagat na pinalakas ng bagyong Falcon na kalalabas lamang ng bansa.
Nangangahulugan ito na inaasahan ang moderate to intense rainfall sa mga nabanggit na lugar na maaaring magdulot ng pagbaha.
Ibinaba naman sa yellow ang rainfall warning sa Metro Manila gayundin sa Bataan, Rizal, Laguna at Pampanga.
Posible namang makaranas ng mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan ang lalawigan ng Quezon na maaaring tumagal ng tatlong oras.
Una ng ibinabala ng PAGASA na maaaring maranasan ang mahina hanggang sa malakas na pag-ulan sa pagitan ng alas-2:00 ng madaling araw hanggang alas-8:00 ng umaga, ngayong araw.
Inabisuhan din ng weather bureau ang mga residente sa mga nabanggit na lalawigan partikular ang mga nakatira sa mga mababa at bulubunduking lugar sa posibleng flashfloods at landslides.
By Drew Nacino