Nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Ferdie.
Kasabay nito ay ibinaba na rin ang lahat ng storm signal warning sa mga apektadong lugar.
Ayon sa PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 315 kilometro hilagang kanluran ng Basco Batanes.
Taglay nito ang lakas ng hanging papalo sa 195 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 230 kilometro kada oras.
Kumikilos ang bagyong Ferdie sa direksyong pa-kanluran hilagang kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Samantala, napanatili naman ng isa pang bagyo na si Gener ang lakas nito habang kumikilos pa-hilagang kanluran.
Ang mata ng bagyong Gener ay huling namataan sa layong 1,225 kilometro silangan ng Baler, Aurora.
Taglay naman nito ang lakas ng hanging nasa 130 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong papalo sa 160 kilometro kada oras.
Inaasahang tatahakin ng bagyong Gener ang direksyon ng bagyong Ferdie.
Ayon sa PAGASA, hindi tatama sa kalupaan ng bansa ang bagyong Gener dahil sa umiiral na High Pressure Area na tumutulak sa bagyo papalayo sa bansa.
By Ralph Obina