Nagbabanta na sa Batanes at Babuyan Group of Islands ang bagyong Ferdie.
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 340 kilometro timog silangan ng Basco, Batanes.
Taglay ng typhoon Ferdie ang lakas ng hanging papalo sa 215 kilometro kada oras malapit sa gitna at pabugsong aabot sa 250 kilometro kada oras.
Kumikilos ang bagyong Ferdie sa direksyong kanluran hilagang kanluran sa bilis na 23 kilometro kada oras.
Kasalukuyang nakataas ang signal number 4 sa Batanes Group of Islands.
Signal number 3 naman sa Babuyan Group of Islands habang signal number 2 sa Ilocos Norte, Apayao at hilagang Cagayan.
Nakataas naman ang signal number 1 sa nalalabing bahagi ng Cagayan, hilagang bahagi ng Isabela, Kalinga, Abra at Northern Ilocos Sur.
Samantala, ang isang pang bagyo na may international name na Malakas ay huling namataan sa layong 1,605 kilometro silangan ng Luzon sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Taglay nito ang lakas ng hanging nasa 75 kilometro kada oras at pabugsong nasa 90 kilometro.
Kumikilos ang bagyo sa labas ng PAR sa bilis na 30 kilometro kada oras sa direksyong kanluran hilagang-kanluran.
Inaasahang bukas ay papasok na sa PAR ang naturang bagyo na siya namang papangalanang bagyong Gener.
By Ralph Obina