(11 AM Update)
Lalo pang lumakas ang bagyong Gener habang papalapit sa northern boundary ng bansa.
Ayon sa PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyo 460 kilometro sa hilaga ng Basco, Batanes.
Taglay nito ang pinakamalakas na hangin na umaabot sa 175 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugso na umaabot sa 210 kilometro kada oras.
Kumikilos ang bagyo pa hilaga sa bilis na 16 na kilometro kada oras at inaasahang makakalabas na ito ng bansa bago mag alas-2:00 ng hapon.
Typhoon Ferdie’s aftermath
Samantala, pumalo na sa 225 milyong piso ang halaga ng mga napinsalang kabahayan at pampublikong pasilidad sa pananalasa ng bagong Ferdie sa Batanes.
Ayon kay Charles Ibanes, head ng Batanes Disaster Risk Reduction and Management Office, maraming nasirang mga kalsada at tulay sa mga bayan ng Basco, Mahatao, Ivana at Uyugan.
Mahigit 12 milyong piso naman ang halaga ng mga napinsalang daluyan ng tubig at gayundin ang mga power facilities na papalo sa 20 milyong piso.
Humingi na rin ng tulong si Batanes Gov. Marilou Cayco sa mga lokal na negosyante upang agad na makabangon ang kanyang nasasakupan.
By Katrina Valle | Jelbert Perdez