Lumakas pa ang bagyong Gorio na patuloy na pina-iigting ng habagat o southwest monsoon.
Ayon sa PAGASA o Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 500 kilometro silangan ng Casiguran, Aurora.
Taglay ng bagyong Gorio ang lakas ng hanging papalo sa 65 kilometro kada oras malapit sa gitna at pabugsong papalo sa 80 kilometro kada oras .
Bahagyang bumagal ang pagkilos ng bagyo na nasa 13 kilometro kada oras sa direksyong pa-hilaga hilagang-kanluran.
Ipinabatid ng PAGASA na asahan ang malalakas na ulan sa western section ng Luzon habang bahagya hanggang sa katamtamang pag-ulan naman ang mararanasan sa nalalabing bahagi ng Luzon at Visayas.
Flooded areas
Nakararanas ng pagbaha ang ilang lugar sa bansa dulot ng patuloy na pag-ulan dala ng bagyong Gorio.
Batay sa report, nasa 25 barangay sa Cotabato City ang naapektuhan ng baha matapos umapaw ang Rio Grande de Mindanao.
Sinuspendi naman ang klase sa Libertad Elementary School sa Ormoc City matapos na pasukin ng baha ang mga silid-aralan sa nasabing eskwelahan.
Binaha rin ang bayan ng Bacnotan sa La Union, kung saan bahagyang nagkaroon ng pagbabagal sa trapiko sa national highway ng nasabing bayan.
By Ralph Obina / Krista de Dios
Bagyong Gorio lumakas pa was last modified: July 26th, 2017 by DWIZ 882