Bahagyang humina ang bagyong Hanna, habang ito ay papalapit sa Batanes.
Huli itong namataan ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa layong 825 kilometro sa silangan ng Basco, Batanes.
Taglay nito ang pinakamalakas na hangin na umaabot sa 165 kilometro kada oras malapit sa gitna, at pagbugso na umaabot sa 200 kilometro kada oras.
Inaasahang kikilos ang bagyong Hanna, pa – kanluran hilagang kanluran, sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Nakataas na ang babalang bagyo bilang isa sa Batanes Group of Islands, Calayan at Babuyan Group of Islands.
Ang bagyong Hanna ay magbubuhos ng katamtaman hanggang sa malakas na ulan, sa mga lugar na nakapaloob sa 700 kilometer diameter nito.
Cagayan
Hindi pa ramdam ang epekto ng bagyong Hanna sa rehiyon ng Cagayan.
Ito ang ipinabatid ni Office of Civil Defense Region 2 Training Specialist Elger Cordova.
Ayon kay Cordova, sa ngayon ay maganda pa ang lagay ng panahon sa rehiyon.
“Ang dagat po namin is kalmadong-kalmado pa po at ang weather natin ay napaka-fair at sunny pa po, sa pinakahuling pag-uusap po namin sa Philippine Coast Guard sa area po ng Batanes, ganun rin po ang sitwasyon ng dagat ay kalmado pa rin po.” Ani Cordova.
Sa kabila nito, tiniyak ni Cordova na patuloy ang pakikipag-unayan nila sa mga lokal na pamahalaan upang mapaghandaan ang bagyong Hanna.
By Katrina Valle | Ralph Obina | Ratsada Balita