Lumakas pa ang bagyong Hanna habang kumikilos papalayo ng bansa.
Ang sentro ng bagyong Hanna ay pinakahuling namataan sa layong 490 kilometro hilagang silangan ng Basco, Batanes.
Taglay ng bagyong Hanna ang pinakamalakas na hanging umaabot sa 185 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna at may pagbugsong umaabot sa 230 kph.
Kumikilos ang bagyong Hanna sa bilis na 15 kph sa direksyong hilagang kanluran.
Ang outer rain bands ng bagyong Hanna ay nagpapaulan sa Batanes at Babuyan Group of Islands na nakasailalim sa signal no. 1.
Ayon sa PAGASA, moderate hanggang heavy monsoon rains naman ang mararanasan sa Metro Manila, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, hilagang bahagi ng Palawan, Calamian at Cuyo Islands, Antique, Iloilo, Guimaras, Zambales, Bataan, Rizal, Cavite at Bulacan.
Mahina hanggang sa katamtama na kung minsan ay malakas na buhos ng ulan ang mararanasan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, nalalabing bahagi ng Central Luzon, nalalabing bahagi ng Calabarzon at nalalabing bahagi ng Western Visayas.
Bukas inaasahang lalabas na ng bansa ang bagyong Hanna.