Nakapasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong may international name na Soudelor kaninang alas-7:00 ng umaga at ito ay tinawag na bagyong Hanna.
Huli itong namataan ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa layong 1,420 kilometro sa Silangan ng Calayan, Cagayan.
Taglay nito ang pinakamalakas na hangin na umaabot sa 215 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugso na umaabot sa 250 kilometro kada oras.
Bagamat hindi inaasahang tatama sa lupa ang bagyo, paiigtingin nito ang hanging habagat na magdadala ng mga pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa.
Update:
Bahagyang humina ang bagyong Hanna, matapos itong pumasok sa Philippine Area of Responsibility.
Huling namataan ng (Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration) PAGASA ang sentro ng bagyo, sa layong 1,380 kilometro sa silangan ng Calayan, Cagayan.
Taglay nito ang pinakamalakas na hangin na umaabot sa 195 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugso na umaabot sa 230 kilometro kada oras.
Kumikilos ang bagyong Hanna, pa-kanluran, hilagang-kanluran, sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Ang bagyong Hanna ay magbubuhos ng katamtaman hanggang sa malakas na ulan, sa mga lugar na nakapaloob sa 600 kilometer diameter nito.
Kaugnay nito, pinayuhan ng PAGASA ang mga mangingisda na huwag munang maglayag sa eastern seaboard ng Visayas at sa seaboards ng Mindanao.
By Katrina Valle