(11AM Update)
Napanatili ng bagyong Henry ang lakas nito habang kumikilos patungo sa bahagi ng extreme Northern Luzon.
Sa huling tala ng PAGASA, namataan ang bagyo sa layong 415 km Silangan ng Calayan, Cagayan.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 55 kph malapit sa gitna at pagbugsong papalo sa 65 kilometro kada oras.
Kumikilos ang bagyo pa-kanluran sa bilis na 25 kph.
Nakataas pa rin ang tropical cyclone warning signal number 1 sa Batanes, hilagang bahagi ng Cagayan kabilang na ang Babuyan Group of Islands, hilagang bahagi ng Apayao, at hilagang bahagi ng Ilocos Norte.
Ayon sa PAGASA, inaasahan ang manaka-nakang pag-ulan na may kasamang pagbugso ng hangin sa mga lugar na nasa ilalim ng signal number 1.
Habang magdadala naman ng mga pag-ulan ang habagat sa bahagi ng Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, Mindoro provinces, Palawan at Western Visayas, at kalat-kalat namang pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa bahagi ng Metro Manila at natitirang bahagi ng Luzon.
Pinag-iingat ang mga residente nasa mabababang lugar laban sa posibleng landslides at flashfloods.
Inaasahang tatawid sa bisinidad ng Babuyan Group of Islands ang bagyo mamayang gabi.
Dahil mabilis ang galaw, bukas ng umaga ay inaasahang nasa labas na ng Philippine Area of Responsibility o PAR ang bagyo.—AR
—-