Naghahanda na ang lokal na pamahalaan ng Cagayan sa pinangangambahang pananalasa ng bagyong Henry sa Northern Luzon.
Maging ang mga residente sa barangay San Antonio sa Basco, Batanes ay abala na sa paglagay ng tapangko o window shutters.
Inabisuhan na rin umano ng provincial government ang mga mangingisda na ilagay sa ligtas na lugar ang kanilang mga bangka upang hindi mapinsala.
Gayundin, pinayuhan ang mga magsasaka na ilagay sa ligtas na lugar ang kanilang mga alagang hayop, at anihin na ang mga puwede nang anihin sa kanilang mga pananim.
Samantala, hindi pa umano nakakabangon ang ilang mga residente sa pinsalang idinulot ng nagdaang bagyong Florita na nanalasa sa Cagayan noong nakaraang linggo.