Bahagya pang lumakas ang Bagyong Inday habang nasa karagatan na huling namataan kaninang alas-4 ng umaga sa layong 425 kilometers northeast ng Itbayat, Batanes.
Ang bagyong #Inday ay may lakas ng hanging aabot sa 155 kilometers per hour at pagbugsong aabot sa 190 kilometers habang patungong Yaeyama Islands na sakop ng Japan.
Ayon kay PAGASA weather specialist na si Aldczar Aurelio, kumikilos ang bagyo pa hilaga-hilagang-kanluran sa bilis na 10 kilometers per hour.
Samantala, namataan din ang isang Low Pressure Area (LPA) na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa layong 1,995 kilometers, silangan-hilagang-silangan ng extreme Northern Luzon pero mababa ang tiyansa nito na makapasok ng bansa habang kumikilos pa-north westward patungong Japan.
Magiging maayos naman ang panahon sa bansa ngayong araw, maliban lang sa mga isolated rainshowers dahil narin sa thunderstorm.
Asahan din ang malalakas na hangin sa extreme Northern Luzon dahil sa Bagyong Inday pero sakaling hindi magbago ang galaw ng nito, inaasahan na lalabas ito mamayang gabi o bukas ng madaling araw.
Mataas din ang tiyansa na humina ang bagyo dahil sa malamig na panahon mula sa karagatan at malakas na hangin na dala naman ng bagyo.
Sa ngayon, nakataas ang gale warning ng pagasa sa Batanes at Babuyan Islands dahil sa nararanasang malalaking alon sa dagat na aabot sa 4 meters kaya pinagbabawalan munang pumalaot ang mga kababayan nating mangingisda at maliliit na sasakyang pandagat.