Nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Inday habang mabagal na kumikilos palayo ng ating bansa at patungong East China Sea.
Ayon sa PAGASA weather bureau, huling namataan ang bagyong Inday sa layong 550 kilometers hilaga-hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes sa labas ng par na may lakas ng hanging aabot sa 140 kilometers per hour at pagbugsong aabot sa 170 kilometers per hour.
Mabagal pa rin ang pagkilos ni bagyong Inday panorth-northeastward sa bilis na 15 kilometers per hour.
Asahan naman na makararanas ng mga pag-ulan, pagkulog at pagkidlat ang ilang bahagi ng bansa partikular na sa extreme Northern Luzon.
Samantala, ang binabantayang Low Pressure Area (LPA) ng PAGASA ay ganap nang tropical depression na namataan sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ang sentro ng tropical depression ay nasa layong 1,710 kilometers silangan ng extreme Northern Luzon na may lakas ng hanging aabot sa 45 kilometers per hour at pagbugsong aabot naman sa 65 kilometers per hour.
Ayon sa PAGASA, posibleng pumasok sa PAR sa darating na Huwebes o Biyernes ang tropical depression at posibleng itong pangalanan bilang si bagyong #Josie.
Nagpaalala naman ang pagasa na panatilihing maging alerto at makinig sa mga abiso ng lokal na pamahalaan at ng iba pang ahensya para sa kaligtasan ng bawat isa.