Nananatiling mababa ang tsansa na tumama sa kalupaan ng Pilipinas ang binabantayang Bagyong Ineng.
Batay sa datos ng PAGASA, huling namataan ito sa layong 910 kilometro silangan ng Casiguran sa Aurora.
Napanatili nito ang lakas ng hanging umaabot sa animnaput limang kilometro (65km) kada oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa walumpung kilometro (80km) kada oras.
Patuloy itong kumikilos sa bilis na dalawamput limang kilometro (25km) kada oras sa direksyon kanluran hilagang-kanluran.
Gayunman, inaasahang magdadala pa rin ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan ang buntot ng Bagyong Ineng sa Bicol Region, Quezon at Aurora ngayong araw.
Habang patuloy namang umiiral ang hanging habagat na magdudulot din ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa Pangasinan, Zambales, Bataan, Cavite, Batangas at Mindoro provinces.
Asahan naman ang mahina hanggang katamtaman na may minsanang malakas na pag-ulan sa Metro Manila, Batanes, Babuyan Group of Islands, Visayas at mga nalalabing bahagi ng Central Luzon, Calabarzon at Mimaropa.