Bahagyang bumilis ang bagyong Jenny, at nananatili pa din na nakataas ang public storm signal number 1 sa Batanes Group of Islands.
Huling namataan ang sentro ng bagyong Jenny, 390 kilometro sa hilagang silangan ng Itbayat, Batanes.
Taglay nito ang pinakamalakas na hangin na umaabot sa 185 kilometro kada oras malapit sa gitna, at pagbugso na maaaring umabot sa 220 kilometro kada oras.
Kumikilos ang bagyong Jenny, pa – kanluran hilagang – kanluran, sa bilis na 19 na kilometro kada oras.
Ayon kay Manny Mendoza, Weather Forecaster ng PAGASA, kapag hindi nagbago ang bilis ng bagyo o kapag bumilis pa ang bagyong Jenny, posibleng mamayang gabi o bukas ng umaga ay nasa labas na ito ng bansa.
Sinabi ni Mendoza na tinutumbok ng bagyong Jenny ang northern Taiwan at Mainland China.
Samantala, magiging mapanganib ang paglalayag sa karagatang sakop ng northern Luzon, at sa eastern seaboards ng Central at Southern Luzon gayundin ng Samar.
Ayon kay Manny Mendoza, Weather Forecaster ng PAGASA, ito ay dahil maliban sa bagyong Jenny, pinalalakas din ng bagyo ang hanging habagat.
Sinabi ni Mendoza na lubhang mapanganib ang paglalayag sa naturang mga lugar, dahil maaaring umabot sa hanggang apat na metro ang taas ng alon sa mga ito.
Bagamat malayo ang bagyong Jenny, maaari pa din makaranas ng mahina hanggang sa katamtamang lakas ng ulan ang Metro Manila, mga rehiyon ng Ilocos, Cordillera, Cagayan Valley, Gitnang Luzon, MIMAROPA, CALABARZON at Isla ng Panay, dahil sa hanging habagat na pinalakas ng bagyong Jenny.
By Katrina Valle | Ratsada Balita