Humina ang bagyong Jenny matapos itong mag-landfall sa bahagi ng Casiguran Aurora, 10:40 kagabi.
Ayon sa PAGASA huling namataan ang sentro ng bagyong Jenny sa vicinity ng Dinalungan Aurora.
Taglay nito ang pinakamalakas na hanging aabot sa 55kph malapit sa gitna at pagbugso ng hanging aabot sa 90kph.
Kumikilos ito sa direksyong kanluran-hilagang kanluran sa bilis na 35kph.
Nananatili namang nakataas ang signal number 1 sa Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Zambales, Tarlac Nueva Ecija, Aurora, Pampanga, Bulacan at hilagang bahagi ng Quezon.
Dahil dito, asahan na ang mahina hanggang madalas na malakas na pag-ulan sa bahagi Ng Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya at Aurora.
Habang makararanas naman ng mahina hanggang katamtaman na may panaka-nakang malakas na pag-ulan sa Metro Manila, Calabarzon, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Mindoro Provinces, Palawan at mga nalalabing bahagi ng Cagayan Valley at Central Luzon.
Dagdag ng PAGASA, nananatili ring mapanganib ang pagbiyahe sa karagatang sakop ng mga lugar na isinailalim sa signal number 1, gayundin sa extreme Northern Luzon.