Muling lumakas ang Tropical Depression Jenny at isa na naman ngayong Tropical Storm.
Ayon sa 11:00AM Weather Bulletin ng PAGASA, kumikilos ang Bagyong Jenny pa-kanluran, hilagang kanluran sa bahagi ng West Philippine Sea.
Huling namataan ang sentro ng bagyo kaninang 10:00AM sa layong 305 kilometro kanluran, hilagang kanluran ng Dagupan City, Pangasinan o 290 kilometro kanluran ng Sinait, Ilocos Sur.
May lakas ito ng hanging nagtataglay ng 65 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 80 kph.
Kumikilos naman ang bagyong Jenny pa-kanluran, hilagang kanluran sa bilis na 40 kph.
Wala na ring nakataas na anumang Tropical Cyclone Wind Signal sa bansa, gayunman, makararanas pa rin ng pagbugso ng hangin sa bahagi ng Visayas at ilang lugar sa Luzon dahil pa rin sa habagat.
Samantala, inaasahang lalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Jenny ngayong tanghali.