Bahagyang lumakas ang Bagyong Josie habang patuloy na tinatahak ang Ilocos Province.
Huling namataan ang sentro ng Bagyong Josie sa layong 85 kilometro kanluran ng Laoag City, Ilocos Norte.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro kada oras at pagbugsong aabot sa 65 kilometro kada oras habang patuloy na kumikilos sa direksyong silangan timog silangan sa bilis na 15 kilometro kada oras.
Ayon sa PAGASA, malaki ang posibilidad na mag-landfall ito sa bahagi ng Ilocos Norte sa loob ng anim hanggang 12 oras.
Samantala, nananatili pa ring nakataas ang Tropical Cyclone Warning Signal Number 1 sa lalawigan ng Batanes, Hilagang Cagayan kabilang na ang Babuyan Group of Islands, Ilocos Norte, hilagang bahagi ng Ilocos Sur, Apayao at hilagang bahagi ng Abra.
Dahil dito, asahan na ang katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa rehiyon ng Ilocos, Cordillera, Cagayan Valley gayundin sa lalawigan ng Zambales, Tarlac at Nueva Ecija habang mahina hanggang katamtamang lakas ng ulan naman ang mararanasan sa Metro Manila, Calabarzon at nalalabing bahagi ng Central Luzon.