Humina na ang bagyong Lando at naging tropical storm na lamang habang mabagal na kumikilos patungong Calayan at Babuyan Group of Islands.
Ang sentro ng bagyong Lando ay pinakahuling namataan sa layong 125 kilometro kanluran ng Calayan, Cagayan.
Taglay ng bagyong Lando ang pinakamalakas na hanging umaabot sa 85 kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugso na umaabot sa 100 kilometro kada oras.
Ang bagyong Lando ay tinatayang kikilos pa-hilagang silangan sa bilis na 4 na kilometro kada oras.
Bukas ng umaga, ang bagyong Lando ay inaasahang nasa 55 kilometro hilagang kanluran ng Calayan, Cagayan.
Ang nasabing bagyo ay inaasahang hihina o magiging tropical depression sa Huwebes at Biyernes at magiging Low Pressure Area na lamang sa Sabado o Linggo.
Bagamat humina, magdadala pa rin ng ulan sa northen Luzon ang bagyong Lando lalo na sa kanlurang bahagi ng bansa.
Ang public storm signal number 2 ay nakataas sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, Apayao, Abra, Batanes, Northern Cagayan kabilang Calayan at Babuyan Group of Islands.
Nasa public storm signal number 1 naman ang La Union, Pangasinan, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Nueva Vizcaya, Isabela at nalalabing bahagi ng Cagayan.
By Judith Larino