Bumagal ngunit bahagyang lumakas ang bagyong Lando habang tinutumbok ang Aurora Province.
Ayon sa PAGASA, ang sentro ay pinakahuling namataan sa layong 295 kilometro ng silangan ng Baler, Aurora.
Taglay ng bagyong Lando ang pinakamalakas na hanging umaabot 160 kilometro kada oras at pagbugso na umaabot sa 195 kilometro kada oras.
Ang bagyong Lando ay tinatayang kikilos pa-kanluran sa bilis na 10 kilometro kada oras.
Inaasahang mag la-landfall ang bagyong Lando sa Aurora bukas ng madaling araw at dadaan sa Ilocos Norte palabas ng kalupaan Martes ng umaga.
Nakataas na ang public storm warning signal number 3 sa Aurora, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Nueva Ecija,Ifugao, Northern Quezon kasama ang Polilio Islands.
Habang nasa ilalim naman ng public storm signal number 2 ang Cagayan kasama na ang Calayan at Babuyan Group of Islands, Benguet, Mt. Province, Abra, Kalinga, Apayao, Pangasinan, La Union, Ilocos Sur, Ilocos Norte, Bulacan, Pampanga, Tarlac, Rizal, kabuuan ng Quezon, Camarines Norte at Catanduanes.
Habang signal number 1 sa Batanes, Zambales, Bataan, Cavite, Laguna, Batangas, Albay, Camarines Sur at Metro Manila.
Mga na-stranded
Higit sa 300 katao ang na-istranded sa mga pantalan dahil sa bagyong Lando
Sa huling tala ng Philippine Coast Guard (PCG), pinakamaraming na stranded sa Albay kung saan umabot sa 186 habang 77 naman mula sa southern Luzon.
Ito ay matapos na hindi payagang maglayag ang 19 na mga sea vessel, 3 bangkang de motor at 58 mga rolling cargoes.
By Rianne Briones