Nananatiling mabagal ang pagkilos ng bagyong Lando habang patuloy na tinutumbok ang Cordillera at Ilocos Region.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa bisinidad ng Santiago, Ilocos Sur na inaasahang kikilos pa-hilaga hilagang-silangan sa bilis lamang na limang kilometro kada oras.
Taglay nito ang lakas ng hanging umabot sa 120 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 150 kilometro kada oras.
Nakataas ang signal number two sa Benguet, Cagayan kabilang ang Calayan at Babuyan Group of Islands, Ilocos Sur, Nueva Vizcaya, Pangasinan, La Union, Ilocos Norte, Ifugao, Mountain Province, Kalinga, Apayao at Abra.
Habang signal number one sa Zambales, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Nueva Ecija, Quirino, Aurora, Isabela, Batanes at Metro Manila.
Ang bagyong Lando ay inaasahang magiging severe tropical storm bukas, araw ng Martes.
Inaasahang lalabas ang landmass ng bagyong Lando bukas ng hapon o gabi sa bahagi ng Ilocos Norte o Cagayan.
By Meann Tanbio