Patuloy na humihina ang bagyong Lando kahit nasa dagat. Dahil ito sa malakas na vertical wind shear na nakakawasak sa sirkulasyon ng bagyo at malamig na hanging amihan.
Huling namataan ang bagyo sa layong 95 kilometro hilagang kanluran ng Calayan Cagayan.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 80 kilometro kada oras.
Tinatayang kikilos ang bagyong pa-hilagang silangan sa bilis na 6 na kilometro bawat oras.
Nakataas ang signal number 2 sa Batanes at Northern Cagayan, kasama na ang Calayan at Babuyan Group of Islands, habang signal number 1 naman sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, Abra, Apayao, Kalinga at nalalabing bahagi ng Cagayan.
Samantala sa kabila ng paghina ng bagyong Lando ay patuloy na makararanas ng pag-ulan ang northern Luzon hanggang bukas o sa Biyernes.
By Mariboy Ysibido