Nagbabala ang PAGASA na destructive o isang mapanirang bagyo ang bagyong Lawin.
Ayon kay Samuel Duran, weather forecaster ng PAGASA, maliban sa malakas na hangin at ulan na dala ng bagyong Lawin, napakalawak rin ng sakop nito na umaabot sa 700 kilometers.
Partikular na binalaan ni Duran ang mga nasa coastal areas dahil posibleng umabot sa 5 metro ang taas ng storm surge na dala ng bagyong Lawin.
Bahagi ng pahayag ni PAGASA Weather Forecaster Samuel Duran
Una rito, idineklara na ng joint typhoon warning center sa US Naval Observatory na isang super typhoon ang bagong Lawin na may international name na Haima.
Tinawag namang violent o marhaas na bagyo ng Japan Meteorological Agency ang bagyong Lawin na pinakamataas sa kanilang ginagamit na intensity classifications ng mga bagyo.
Typhoon Signal
Nakataas na ang signal number 4 sa bahagi ng Cagayan at Isabela dahil sa bagyong Lawin.
Ayon sa PAGASA, malapit nang maging super typhoon ang bagyong Lawin na inaasahang magla-landfall sa Cagayan mamayang alas-11:00 ng gabi.
Dahil dito, ipinabatid ng PAGASA na posibleng ngayong hapon ay itaas na signal number five ang babala ng bagyo sa Cagayan at Isabela.
Batay sa latest monitoring ng PAGASA, huling namataan ang bagyong Lawin sa layong 385 kilometro silangan ng Casiguran.
Taglay nito ang lakas ng hanging papalo sa 220 kilometro kada oras malapit sa gitna at pabugsong papalo sa 305 kilometro kada oras.
Kumikilos ang bagyo pa-kanluran hilagang kanluran sa bilis na 26 na kilometro kada oras.
Inaasahang sa Biyernes pa lalabas ng Philippine Area of Responsibility o PAR ang bagyong Lawin.
Samantala, kasalukuyan namang nakataas ang signal number three sa nalalabing bahagi ng Cagayan, Apayao, Ilocos Sur, Mountain Province, Quirino at northern Aurora.
Signal number two sa calayan, La Union, Benguet, Nueva Vizcaya, pangasinan, Nueva Ecija, nalalabing bahagi ng Aurora at Tarlac.
Signal number one naman sa Batanes Group of Islands, Zambales, Pampanga, Bulacan, Batangas, hilagang Quezon kasama ang Polilio Island, Metro Manila, Rizal, Cavite, Camarines Sur at Norte, Catanduanes at laguna.
Pinapayuhan ng PAGASA ang mga lugar na direktang tatamaan ng bagyo partikular ang mga residente sa coastal areas na lumikas na.
Maliban dito, mainam ding mag-imbak na ng mga pagkain at tubig upang maging handa sa pananalasa ng bagyong Lawin.
Preparations
Kasado na ang paghahanda ng NDRRMC o National Disaster Risk Reduction Management Council para sa pagdating ng bagyong Lawin.
Ayon kay NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad, dalawang araw bago ang pagpasok ng bagyong Lawin sa bansa ay nakumpleto na ang prepositioning nila ng mga relief goods.
Bantay sarado rin anya nila sa pamamagitan ng koordinasyon sa mga local government units ang mga dams dahil sa posibleng pag-apaw ng tubig.
Nakapagsagawa na anya ng preemptive evacuation ang mga tatamaang lugar lalo na sa Regions 1, 2, 3 at Cordillera region at nakaposisyon na rin ang rescue teams.
Bahagi ng pahayag ni NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad
By Len Aguirre | Jopel Pelenio | Ralph Obina