Tuluyan nang nakalabas ng Philippine Area of Responsibility o PAR ang supertyphoon ‘Lawin’ na may international name na ‘Haima’.
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan si Lawin sa layong 585 kilometers kanluran ng Basco, Batanes.
Lalong humina ang bagyong Lawin at taglay nito ang lakas ng hanging aabot na lamang sa 120 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 150 kph.
Inaaasahang kikilos ito pa-hilaga hilagang kanluran sa bilis na 19 kph habang tinutumbok ang mainland China.
Inalis na rin ng PAGASA ang lahat ng tropical cyclone warning signals sa buong bansa.
Death toll
Sumampa na sa 12 ang nasawi sa pananalasa ng supertyphoon Lawin matapos hagupitin ang northern Luzon.
Ayon sa NDRRMC, karamihan sa mga nasawi ay taga-Cordillera kabilang ang dalawang construction worker na biktima ng landslide sa Benguet.
Kinilala naman ni NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad ang ilan sa mga casualty na sina Jhon Carlos Hatop, na halos 3 linggo pa lamang; Joshua Halle, 19 anyos; Jessie Hella, 28 anyos na pawang residente ng bayan ng Kibungan; Edgar Genese, 40-anyos at Jonie Borja, 35-anyos, ng La Trinidad, Benguet; Jeramel Alfaro, 17-anyos ng bayan ng Hungduan, Ifugao.
Tinaya naman ng NDRRMC sa 18,100 pamilya o 90,500 katao ang naapektuhan ng kalamidad.
Ang mga ito ay pawang residente ng Regions 1, 2, 3, 4-A at Cordillera na nananatili sa 209 na evacuation centers.
By Jelbert Perdez | Drew Nacino