Tuluyan nang humina at lumabas ng Philippine Area of Responsibility si bagyong Marilyn.
Ayon sa PAGASA, ganap na alas-otso kagabi ng makalabas ng PAR ang bagyo.
Ngunit sa kabila nito, sinabi ng PAGASA na dahil sa Southwest Monsoon, patuloy paring makararanas ng mahihina hanggang sa may kalakasang mga pag-ulan ang mga bahagi ng Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Sulu Archipelago, Palawan at mga lalawigan ng Mindoro sa pagitan ng mga araw ng Sabado at Linggo.
Samantala, mararanasan din ang mga malalakas na pagbuhos ng ulan sa Bicol Region, Calabarzon, at ilang bahagi ng Mimaropa at Visayas.
Muli namang nagbabala ang PAGASA sa mga residente sa mga nabanggit na lugar, partikular na sa mga naninirahan sa matataas at mabababang lugar na maging alerto at agad na lumikas kung kinakailangan upang maiwasan ang anumang disgrasya na dulot ng mga pagguho o pagbaha.
Dagdag pa ng PAGASA, dahil sa patuloy na sama ng panahon, nananatili paring mapanganib ang paglalayag sa western seaboard ng Southern Luzon, Visayas Region at eastern seaboard ng Mindanao.