Napanatili ng bagyong Maring ang lakas nito habang papalapit sa dulong hilagang Luzon.
Huling namataan ng PAGASA ang bagyo sa layong 350 kilometers, silangan ng Aparri, Cagayan taglay ang lakas ng hanging aabot sa 85 km/h at pagbugso na hanggang 105 km/h.
Kumikilos ito pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 25 km/h.
Nakataas na ang public storm signal 2 sa Batanes, Cagayan, kabilang ang Babuyan Islands, northern portion ng Isabela, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Abra, Ilocos Norte at Sur.
Signal 1 naman sa nalalabing bahagi ng Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Ifugao, Benguet, La Union, Pangasinan, Aurora, Nueva Ecija, Tarlac, Zambales, Pampanga, Bulacan, northern portions ng Bataan at Quezon kabilang ang Polillo at Calaguas Islands.
Asahan na ang katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa Batanes, Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Cordillera at Ilocos Regions, habang mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan at minsang malakas sa Central Luzon at nalalabing bahagi ng Cagayan Valley.
Dahil dito, pinag-iingat ng PAGASA ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng flash floods at landslides. —sa panulat ni Hya Ludivico