Posibleng maging super typhoon ang bagyo na inaasahang papasok sa bansa bukas, araw ng Miyerkules.
Ang bagyong may international name na Soudelor ay tatawaging Hannah pagpasok nito sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), bagamat sa itaas ng bahagi ng Cagayan ang pasok ng bagyo at didiretso ito ng Taiwan, inaasahan namang hahatakin nito ang hanging habagat na magdadala ng malalakas na pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa mula Huwebes hanggang Sabado.
Inaasahan ring uulanin ang Metro Manila sa Huwebes dala ng hanging habagat na pinalakas ng bagyo.
Sa pinakahuling tala ng PAGASA, bahagyang lukas ang bagyong Soudelor habang papalapit ito sa bansa.
Huli itong namataan sa layong 1,855 kilometro, sa silangan ng Luzon.
Taglay nito ang pinakamalakas na hangin na umaabot sa 215 kilometro kada oras malapit sa gitna, at pagbugso na umaabot sa 250 kilometro kada oras.
Inaasahang kikilos ang bagyong Soudelor pa kanluran hilagang kanluran, sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Bukas ng umaaga ay inaasahang nasa loob na ito ng bansa, at tatawagin na itong bagyong Hanna.
Source: PAGASA
By Len Aguirre | Katrina Valle